Sa pagdiriwang ng Quezon City Children’s Month 2023, pinangunahan ng Public Employment Service Office ang Lakbay Aral para sa mga child laborers.
Malugod na tinanggap ni Quezon City University President Dr. Thereista Atienza ang mga bata sa QCU San Bartolome Campus upang hikayatin silang magtapos sa pag-aaral. Bukas din ang unibersidad sa mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong o assistance para makapasok sa kolehiyo.
Sa paglilibot sa kampus, natutunan nila ang iba-ibang kursong maaari nilang pagpilian para sa kanilang hinaharap. Natuto din silang kung paano magtanim sa Center for Urban Agriculture and Innovation.
Bukod sa edukasyon, hinimok din ang mga bata na tuklasin ang kasaysayan at kultura ng kanilang bayan. Isinama sa itinerary ang paglilibot sa Quezon City Shrine at Quezon Heritage House. Sa pangunguna ng City Tourism Department, nakilala nila ang mga yaman ng kultura at mga kontribusyon ni Pangulong Manuel L. Quezon.
Sa Quezon City Disaster Risk Reduction Management Office, nagsagawa ng seminar ukol sa tamang pagsasanay at pagtugon sa anumang kalamidad.
Sa huli, nag PEP talk si PESO Head Rogelio L. Reyes upang magbigay inspirasyon sa mga bata. Hinimok din nya ang mga magulang na huwag kailanman hayaan na malagay sa panganib ang kanilang mga anak.
Nagbigay din ng ilang paalala ang kinatawan ng World Vision – Project Against Child Exploitation na si Ms. Rhea Ponce de Leon na ipaglaban ang kanilang karapatan.
Layon ng educational tour na bigyang inspirasyon ang mga child laborers upang magpurisigi sa kanilang pag-aaral at mangarap ng mas magandang buhay.