Pinangunahan ng Public Employment Service Office ang Lakbay-Aral para sa 150 Child Laborers at OFW Children. Bahagi ito ng pagdiriwang ng Children’s Month 2024 sa Quezon City.
Sa unang destinasyon, masayang nakilahok ang mga bata sa Palarong Pinoy na inorganisa ng Barangay Community and Relations Department sa San Francisco High School. Naranasan ng mga bata ang mga larong kalye na nauso noon.
Mainit naman silang tinanggap ni Quezon City University President Dr. Theresita Atienza sa QCU San Bartolome Campus at hinikayat silang magpatuloy sa kanilang pag-aaral. Bukas din ang unibersidad sa mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong upang makapasok sa kolehiyo.
Nagkaroon din sila ng pagkakataon na makapagtanim sa Center for Urban Agriculture and Innovation.
Bukod sa edukasyon, pinalalim ang kaalaman ng mga bata sa kasaysayan at kultura ng kanilang lungsod. Dinala sila sa Quezon City Shrine at Quezon Heritage House ng City Tourism Department, upang makilala ang mayamang kultura ng bansa, at mga kontribusyon ni Pangulong Manuel L. Quezon.
Nagpadala rin ng kinatawan ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office upang magbigay kaalamam tungkol sa tamang pagtugon sa kalamidad.
Sa pagtatapos ng programa, nakatanggap ang mga kalahok ng grocery packs at mga regalo. Ang educational tour na ito ay naglalayong magbigay-inspirasyon sa mga bata na magpursige sa kanilang pag-aaral at mangarap ng mas magandang kinabukasan.