Ibinahagi ni Mayor Joy Belmonte kung paano isinusulong ng QC Government ang bukas at transparent na pamahalaan, sa ginanap na Leaders for Excellence and Public Service (LEAP) Open Government Fellowship Program.
Bago pa man maging miyembro ng Open Government Partnership (OGP) noong 2024, ipinapatupad na ng lokal na pamahalaan ang mga open government initiative.
Noong 2019, itinatag ang Internal Audit System, in-automate ang mga proseso at serbisyo ng lungsod, at ipinatupad ang Participation, Accountability, and Transparency (PAT) Ordinance na nagpalakas sa pakikibahagi ng civil society organizations sa pamamahala.
Sinisiguro rin ng pamahalaang lungsod ang pagkakaroon ng open data system na maghihikayat sa mga residenteng kilatisin ang mga proyekyo at makita kung saan napupunta ang buwis ng taumbayan.
Ang LEAP Open Government Fellowship Program ay dinaluhan ng mga mayor mula sa iba-ibang munisipalidad na naglalayong palawigin pa ang kanilang kaalaman sa open government at kung paano maipapatupad ang mabuting pamamahala sa kani-kanilang kinasasakupan. Inilunsad ito ng Mayors for Good Governance, katuwang ang British Embassy Manila.








