Naglabas ng Letter of Objection ang Quezon City Government kaugnay ng isinasagawang flood control project ng Department of Public Works and Highways – National Capital Region (DPWH–NCR) na Mariblo Pumping Station sa Mariblo Creek, upang mapahinto ang proyekto habang hindi pa nasisimulan.
Ang pangunahing dahilan ng pagtutol ng Pamahalaang Lungsod ay ang planong pagtatayo ng pumping station mismo sa creek, na labag sa probisyon ng Water Code of the Philippines (PD 1067) na nagsasaad na ito ay ‘non-buildable’ area.
Bukod dito, ang disenyo ng pumping station ay magpapaliit ng daluyan ng tubig at ang kapasidad ng pump ay hindi sapat upang tugunan ang inaasahang volume ng tubig na daraan sa creek. Dahil dito, ang proyekto ay maaaring magdulot ng mas malalang pagbaha sa mga upstream barangay ng Mariblo Creek.
Bagama’t nakapaghain ng aplikasyon para sa Certificate of Coordination ang proyekto sa Infrastructure Committee ng Lungsod, hindi ito inaprubahan ng komite. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang mobilization ng nasabing proyekto.
Matatandaan na may itinatayo ring pumping station sa Matalahib Creek nang walang Certificate of Coordination, ngunit pinatigil ng Lungsod ang konstruksyon dahil nagdulot ito ng mas malalang pagbaha sa mga upstream barangay ng Matalahib Creek. Partikular na sa Barangay Talayan, Sto. Domingo, Masambong, at mga kalapit na lugar.
Nais tiyakin ng Quezon City Government na ang lahat ng flood control projects na ipinatutupad sa lungsod ay epektibo at naaayon sa Drainage Master Plan, upang masiguro na tunay itong makapagbibigay ng solusyon sa pagbaha para sa kaligtasan ng mga QCitizen.







