Isa na namang parangal ang natanggap ng Quezon City Government matapos kilalanin sa 31st Apolinario Mabini Awards bilang Local Government Unit Awardee (City Category).
Iginawad ng Philippine Foundation for the Rehabilitation of the Disabled, Inc. (PRFD) ang pagkilalang ito sa mga lokal na pamahalaan at iba pang institusyong may natatanging ambag sa pagsusulong ng kapakanan, inklusyon, at pagbibigay ng pantay na oportunidad para sa mga persons with disabilities (PWDs).
Patunay ang parangal na ito sa patuloy na pagpapatupad ng Quezon City, sa pangunguna ng Persons with Disability Affairs Office na pinamumunuan ni Debbie Dacanay, ng mga programang nagtataguyod ng isang inklusibo, accessible, at mapagkalingang lungsod para sa lahat.
Dumalo bilang panauhing pandangal sa programa sina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na nagsilbi ring award presenter kasama si Congressional Spouses Foundation Inc. (CSFI) President at Chairperson Mrs. Mary Ann Dy na tumatayong chairperson ng 31st Apolinario Mabini Awards, Arch. Jaime Silva at PFRD President Edgardo Garcia.








