Lung Transplant Program sa bansa, inilunsad na!
Pormal nang inilunsad ng pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at pamunuan ng Lung Center of the Philippines (LCP) at National Kidney Transplant Institute (NKTI) ang Lung Transplant Program sa bansa.
Layon ng programa na matulungan ang mga pasyente na mayroong irreversible lung and respiratory diseases na maging recipient ng lung transplant.
Naglaan ang pamahalaan ng Php 4.2 million halaga ng renovation para sa post-anesthesia care unit at Php 1.8 million para sa surgical intensive care unit bilang bahagi ng paghahanda sa programa.
Kasabay nito, ginugunita rin ng LCP ang kanilang ika-42 founding anniversary. Nagbalik-tanaw ang LCP sa mga nagdaang taon mula sa pagkakatatag nito na tampok sa kanilang photo exhibit.
Kaisa sa paglulunsad ng programa sina LCP Executive Director Dr. Vincent Balanag, NKTI Executive Director Dr. Rose Marie Rosete-Liquete, LCP-NKTI Chairperson Dr. Edmund Villaroman, Mayor Joy Belmonte, Senate Finance Committee chairperson Sen. Sonny Angara, at House Committee on Health chairperson Rep. Ciriaco Gato, Jr.