Muling ininspeksyon nina Mayor Joy Belmonte, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, at UP Resilience Institute Executive Director Dr. Mahar Lagmay ang Matalahib Creek sa District 1.
Katuwang ang San Miguel Corporation, giniba na ng DPWH ang bahagi ng pumping station na nakasagabal sa maayos na daloy ng tubig sa lugar.
Matatandaan na ang pumping station sa Matalahib ay isa sa mga proyektong bagamat mariing tinutulan ng lokal na pamahalaan, ay tinuloy pa ring itayo ng DPWH at kontraktor nito. Imbes na makatulong sa paghupa ng tubig tuwing tag-ulan, lalo pa nitong pinalala ang baha, partikular sa bahagi ng Barangay Talayan at Sta. Cruz.
Ayon kay Mayor Joy, malaki ang tulong ng pagtibag ng DPWH sa bahagi ng pumping station. Naibsan nito ang tubig na naiipon, at nakakaapekto sa mga kabahayan sa komunidad. Pinasalamatan niya ang ahensya na ngayo’y inaayon na ang mga programa sa Drainage Masterplan ng lungsod.
Binigyang-diin din ng alkalde ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan bilang paghahanda sa tag-ulan: Declogging o patuloy na pagtanggal sa mga bara sa daluyan ng tubig; dredging o paghuhukay para palalimin pa ang waterways; at pagtatayo ng detention at retention basin na magiging pansamantalang imbakan ng tubig-ulan.
Nakipag-usap din ni Mayor Joy at Sec. Dizon ang mga Punong Barangay ng Sta. Cruz at Talayan para paalalahanan ang mga residente na huwag magtapon ng basura sa ilog.










