Sinimulan na ang demolisyon ng Matalahib Creek Pump Station bilang bahagi ng mas malawak na plano ng lungsod para sa mas maayos at epektibong flood control.
Personal na binisita nina Mayor Joy Belmonte, DPWH Secretary Vince Dizon, at UP Resilience Institute Executive Director Dr. Mahar Lagmay ang lugar upang suriin ang kasalukuyang kalagayan at tiyakin na maayos ang pagpapatupad ng demolisyon.
Nauna nang nag-isyu ng objection ang Quezon City Government sa naturang istruktura dahil mas pinalala nito ang pagbaha sa lugar. Wala ring koordinasyon at permit ang naturang proyekto.
Kasabay nito, tinitiyak na ang mga hakbang na isinasagawa ay nakaayon sa Drainage Masterplan ng Quezon City upang magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa pagbaha.
Kabilang sa mga isinusulong na hakbang ang dredging ng San Juan River sa tulong ng San Miguel Corporation, pagtatayo ng mga retention basin sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, at paggamit ng mobile pumping stations.
Sa patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan at mga eksperto, layon ng mga inisyatibang ito na mabawasan ang panganib ng pagbaha at maprotektahan ang mga komunidad sa Quezon City.










