Agad na nagpatawag ng pulong si Mayor Joy Belmonte upang talakayin at paigtingin ang mga hakbang ng Pamahalaang Lungsod Quezon kaugnay ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa. Layon ng lungsod na matiyak ang kaligtasan, seguridad, at kapakanan ng bawat mag-aaral, guro, at kawani sa mga paaralan.
Kabilang sa mga hakbang na isinasagawa at lalo pang pinagtitibay ng lungsod ang:
• Pagpapalakas ng mga hakbang upang maiwasan ang pagpasok ng mga armas at iba pang mapanganib na bagay sa loob ng mga paaralan
• Pagsasagawa ng mga school security assessment at inspeksyon upang matukoy at matugunan ang mga pangangailangang may kaugnayan sa kaligtasan at seguridad ng mga paaralan
• Mas pinaigting na police visibility at regular na pagpapatrolya sa paligid ng mga paaralan
• Pagpapalakas ng kakayahan ng mga barangay tanod sa pamamagitan ng pagsasanay at karagdagang suporta
• Pagbuo at pagpapaigting ng mga school emergency response protocols para sa iba’t ibang sitwasyon
• Pagsasagawa ng mga drills at simulations upang mapanatiling handa ang mga paaralan sa iba’t ibang uri ng emergency at iba pang kritikal na insidente
• Pagpapalawak ng values formation at parent engagement programs
• Pagpapalakas ng reporting at referral mechanisms para sa mga mag-aaral na nangangailangan ng agarang tulong o interbensyon
• Pagsusulong ng kamalayan hinggil sa mga reporting channels, kabilang ang QC Helpline 122 at iba pang child protection mechanisms
• Pagmomobilisa sa School Parent-Teacher Associations (SPTAs) at iba pang katuwang ng komunidad bilang mga kaagapay sa pagpapanatili ng kaligtasan sa mga paaralan
Bilang pangmatagalang hakbang, isinusulong din ng lungsod ang pagpapasigla ng partisipasyon ng mga kabataan sa scouting at iba pang youth development programs upang higit na mahubog ang kanilang leadership skills, character formation, preparedness, at diwa ng paglilingkod sa komunidad.
Patuloy na kikilos ang Quezon City upang matiyak na ang ating mga paaralan ay mananatiling ligtas, maayos, at nakatutulong sa pagkatuto at paghubog ng bawat kabataang QCitizen.










