Nakipagdayalogo ang Quezon City Government sa mga barangay official para mas palakasin ang Barangay-based Feeding Program para sa mga kabataan.
Layunin ng pagtitipon na maging maayos at mabilis ang pagpapatupad ng zero malnutrition program sa mga komunidad, sa pamamagitan ng iba-ibang komprehensibong nutrition-based initiatives.
Base sa mga pag-aaral, nakakaapekto sa brain development ng mga bata ang kakulangan ng wastong nutrisyon. Isa ito sa mga dahilan kaya nahihirapan silang makapag-focus at matuto sa klase.
Magtutulungan ang mga barangay at lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng feeding program sa mahigit 23,000 bata, lalo na tuwing weekends at bakasyon sa daycare centers at mga paaralan.
Kailangang tiyakin na 1 percent ng budget ng barangay ay napupunta sa nutrition programs, na base sa City Ordinance 3242-2023 o ang barangay Nutrition Program Ordinance.
Handa ring magbigay ang pamahalaang lungsod ng technical assistance, workshops, at operations manual sa mga barangay.
Pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte ang pulong, kasama sina QC Council Majority Floor Leader Aly Medalla, City Health Department OIC Dr. Ramona Abarquez, Schools Division Office Superintendent Carleen Sedilla, Climate Change and Environmental Sustainability Department Head Andrea Villaroman, at Education Affairs Unit Chief Maricris Veloso.








