Mas papaigtingin pa ng Quezon City Government ang mga programa nito para sa kalikasan at disaster resiliency, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ngayong hapon, nakipagpulong si Mayor Joy Belmonte kina DENR Usec. Marilou Erni, Usec. Jonas Leones, at DENR-NCR Director Jacky Caancan upang pag-usapan ang mga posibleng proyekto na maaaring gawin ng lungsod at DENR.
Ang DENR ay mayroong Project TRANSFORM (Transdisciplinary Approach for Resilience and Environmental Sustainability Through Multistakeholder Engagement) na umaalalay sa mga local government unit para mas maging resilient at handa sa mga sakuna, at makapagsagawa pa ng mga programa sa pangangalaga sa kalikasan.
Handa ang DENR na sumuporta sa mga inisyatibo ng lungsod, partikular sa kampanya sa zero waste, paghahanap ng financing institution para sa green programs, at pakikipag-ugnayan sa mga kalapit na LGU para tuluyang matugunan ang pagbaha sa mga mabababang lugar.
Kasama rin ni Mayor Joy sa pulong sina Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) OIC Bianca Perez, Climate Change Education for Sustainable Development (CCESD) Head Andrea Villaroman, Sustainable Development Affairs Unit (SDAU) Head Emmanuel Hugh Velasco, at Parks Development And Administration Department (PDAD) Arch. Red Avelino.