Nakipagpulong si Mayor Joy Belmonte noong Biyernes sa Department of Public Works and Highways – NCR (DPWH-NCR) upang pag-usapan ang Matalahib Creek Pumping Station Project ng DPWH sa Barangay Talayan sa District 1.
Base sa pag-aaral ng QC Department of Engineering, ang naturang project ay ginawa sa “non-building area,” na labag sa Water Code at Civil Code kaugnay sa “easement of waterways.”
Nakakahadlang ang imprastraktura sa daloy ng tubig sa creek mula sa mga barangay papuntang San Juan River. Hindi rin nakipag-ugnayan ang DPWH-NCR sa lokal na pamahalaan para sa proyekto, na labag sa Project Coordination Ordinance ng lungsod. Base sa ordinansa, dapat ay nakipag-ugnayan ang DPWH habang pinaplano pa lamang ang proyekto subalit hindi ito nangyari.
Bago ang naturang pulong, tinawag na rin ng lokal na pamahalaan ang atensyon ng DPWH noong nagsisimula pa lamang ang proyekto. Agad ding sumulat ang Infrastructure Committee ng Lungsod upang ihayag ang pagkontra sa naturang proyekto. Ngunit sa kabila ng mga pagtutol na ito, itinuloy pa rin ang proyekto.
Ayon naman sa isinagawang Hydraulic Analysis, naging sanhi ng pagbabaha sa distrito ang proyekto, kahit hindi malakas o tuloy-tuloy ang pag-uulang naranasan nitong Hunyo 2025.
Inirekomenda ng Pamahalaang Lungsod sa DPWH na tanggalin na ang proyekto. Sa halip, ilaan ang balanse na P250M ng proyekto sa pagpapatayo ng detention basin na may capacity na 65,400 cubic meters, na nakaayon sa QC Drainage Masterplan.
Dumalo rin sa meeting sina City Administrator Mike Alimurung, ACA Alberto Kimpo, City Engineer Atty. Dale Perral, at City Legal Atty. Carlo Austria, at DPWH-NCR Regional Director Gerald Opulencia, at DPWH QC 1st Engineering District Engineer Art Gonzales.








