Nakipagpulong ang Quezon City Government sa pamunuan ng Rosa L. Susano- Novaliches Elementary School (RLSNES) at mga opisyal ng Barangay Gulod ngayong Biyernes.
Pinag-usapan kung paano masosolusyunan ang sitwasyon sa paaralan tuwing pasukan at uwian ng mga estudyante, na nagdudulot din ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Quirino Highway.
Magde-deploy ng karagdagang otoridad sa lugar, para masiguro ang kaligtasan at kaayusan sa RLSNES.
Bubuo rin ng mekanismo ang paaralan, sa pakikipagtulungan sa barangay, para mas maging maayos ang sistema ng pagpasok at pag-uwi ng mga bata.
Pinaalalahanan naman ang mga magulang na makiisa sa mga isasagawang hakbang sa Lunes, para matiyak at mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng bawat mag-aaral at guro ng RLSNES.
Pinangunahan ni District 5 Action Office William Bawag ang meeting, na dinaluhan ng mga kinatawan ng Schools Division Office, RLSNES, at Barangay Gulod.
Naroon din ang mga miyembro ng Law and Order cluster ng lungsod, kabilang ang Quezon City Police District, Traffic and Transport Management Department, TF Disiplina, at QC Engineering Department..










