Ibinahagi ng Philippine Institute of Civil Engineers (PICE) QC kay Mayor Joy Belmonte ang resulta ng kanilang pagsusuri sa ilang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Base sa kanilang inspection, may mga flood control project na nagpakitid pa sa daluyan ng tubig; mahina ang pundasyon ng istruktura; at maaaring mag-backflow ang naipong tubig.
Inirekomenda ng PICE QC na maipagpatuloy ang ilan sa mga inisyatibo ng lokal na pamahalaan laban sa pagbaha, tulad ng dredging at waste management, at pagpapalawak sa mga creek at daluyan ng tubig.
Binigyang-diin din ng mga civil engineer na kailangang nakaayon sa Drainage Masterplan ang mga itatayong flood control infrastructure sa lungsod para tuluyan nang masolusyunan ang problema sa pagbaha.
Isusumite ng PICE QC, sa pakikipagtulungan sa QC Engineering Department, ang resulta ng pagsusuri sa DPWH at Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Noong Setyembre, lumagda sa Memorandum of Understanding sina QC Government, University of the Philippines Resilience Institute (UPRI), at ang PICE QC para magtulungan sa pagsusuri ng mahigit 300 flood control projects sa lungsod.








