Pormal nang lumagda sa Memorandum of Understanding (MOU) ang mga kinatawan ng Mayors for Good Governance (M4GG) at Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Kabilang sa mga lumagda sa MOU sina M4GG convenors Quezon City Mayor Joy Belmonte, Pasig City Mayor Vico Sotto, Baguio City Mayor at ICI Adviser Benjie Magalong, at sina former Supreme Court Justice Andres Reyes Jr., former DPWH Sec. Rogelio Singson, at SGV Country Managing Partner Rossana Fajardo sa panig ng ICI.
Dumating rin sa pagtitipon si Navotas City Rep. Toby Tiangco.
Sa ilalim ng kasunduan, magtutulungan ang dalawang grupo sa pag-iimbestiga ng mga iregularidad at kakulangan sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa paghahain ng rekomendasyon sa dapat gawin sa proyekto.
Hinihikayat din ng M4GG ang iba pang alkalde na aktibong tumulong sa ICI sa iba-ibang paraan, tulad ng pagsasagawa ng joint site inspections at crowd-sourcing endeavors.
Matatandaang kamakailan ay nauna nang itinurnover ng Quezon City Government sa ICI ang resulta ng fact-finding investigation ng lungsod sa mga flood control project sa QC.








