Bumisita ang delegasyon ni Mayor Joy Belmonte sa Meniv Rishon Ltd., isang water, drainage at sewer corporation, para malaman ang kanilang sistema sa pamamahala ng katubigan, kanal at imburnal sa lungsod.
Ibinahagi ni Mrs. Sally Levy, CEO ng Meniv Rishon Ltd., ang kanilang paraan sa pamamahagi ng malinis na tubig sa panahon ng sakuna gamit ang kanilang portable water delivery station.
Dahil sa maayos na pamamahala ng kumpanya at masinop na paggamit ng tubig ng mga mamamayan, napanatili nila na mababa sa 5% ang water losses o non revenue water (nrw).
Kasama ni Mayor Belmonte sa pagbisita sina City Administrator Michael Alimurung, Business Permits and Licensing Department (BPLD) Head Margarita Santos, at Engineering Department Head Atty. Dale Perral.
Nasa Rishon LeZion ang delegasyon ni Mayor Belmonte para pumirma sa sister city agreement.
Ito pa lamang ang ikalawang pagkakataon na magkakaroon ng ganitong kasunduan ang isang syudad sa Pilipinas at Israel, mula nang maging sister cities ang Maynila at Haifa.
Habang nasa Rishon LeZion, pag-aaralan nina Mayor Belmonte ang sari-saring best practices ng lungsod na maaaring ipatupad sa QC.