Isinagawa kahapon sa Malakanyang, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang contract signing para sa Contract Package 102 (CP102) – Quezon Avenue Station at Contract Package 103 (CP103) – Anonas at Camp Aguinaldo Stations ng Metro Manila Subway Project (MMSP), kung saan nagbigay ng pambungad na talumpati si Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Tiniyak ni Mayor Joy na buo ang suporta ng lokal na pamahalaan sa naturang proyekto lalo’t malaki ang maitutulong ng subway system sa araw-araw na transportasyon ng mga QCitizens.
May habang 33 kilometro ang itatayong kauna-unahang subway system sa bansa. Magkakaroon ito ng 17 istasyon mula Valenzuela hanggang Parañaque.
Ayon kay Mayor Joy, bukod sa dulot nitong kaginhawaan sa pagbiyahe, itinuturing ding ‘most environmentally sustainable’ at ‘energy-efficient mass transit’ ang subway system.
Kapag nagsimula na ang operasyon ng Metro Manila Subway, mahigit kalahating milyong pasahero ang maseserbisyuhan nito kada araw. Inaasahan ding mababawasan ang oras ng biyahe mula Quezon City patungong NAIA na tinatayang aabutin na lamang ng 35 minuto mula sa dating isa’t kalahating oras.












