Lumahok ang Quezon City sa Milan Urban Food Policy Pact (MUFPP) Global Forum sa Italy. Pagtitipon ito ng mga lungsod mula sa iba-ibang panig ng mundo para magbahagi ng karanasan at magtakda ng mga susunod na hakbang tungo sa masustansya, ligtas, at sustainable na sistema ng pagkain sa mga lungsod.
Bilang bahagi ng ika-10 anibersaryo ng MUFPP, ipinresenta ng Quezon City ang Healthy Public Food Procurement (HPFP) Policy — ang kauna-unahang polisiya sa bansa na nagsisiguro na lahat ng pagkaing binibili o inihahain gamit ang pondo ng pamahalaan ay masustansya at alinsunod sa QC Nutrition Standards.
Si District 2 Councilor at Majority Floor Leader Aly Medalla ang kumatawan kay Mayor Joy Belmonte sa forum, kasama si Maricris Veloso, OIC ng Education Affairs Unit.
Patuloy ang pakikipagtulungan ng Quezon City sa iba pang mga lungsod upang palakasin ang mga programang pang-nutrisyon, suportahan ang mga local producers, at itaguyod ang mas matatag at sustenableng kinabukasan para sa lahat.








