Kinilala ng lokal na pamahalaan ang tatlong barangay sa Lungsod Quezon na itinuturing na “Most Child-Friendly Barangay” sa naganap na 5th State of the City’s Children Report na bahagi ng selebrasyon ng #ChildrensMonth2023.
Ang bawat barangay na napiling tumanggap ng award ay dumaan sa masusing pagsusuri. Bahagi ng criteria nito ang mga makabatang programa at proyektong ipinatutupad sa kanilang mga barangay at ang pagtitiyak ng kaligtasan ng mga kabataang naninirahan dito.
Itinuring na Most Child-Friendly Barangay ang Barangay Sauyo sa pamumuno ni Punong Barangay Noel Vitug, nakatanggap din sila ng P500,000. Nasungkit naman ng Barangay Culiat sa pamumuno ni Punong Barangay Cristina Bernardino ang 1st runner up at binigyan sila ng P300,000. Itinanghal namang 2nd runner up ang Barangay Novaliches Proper sa ilalim ni Punong Barangay Cion Visaya at nakatanggap sila ng P100,000.
Ang pondong ibinigay ng lokal na pamahalaan ay dapat gamitin sa pagpapagawa o pagsasaayos ng mga paaralan, health centers, daycare centers, playgrounds, sports activity centers at mga library sa kanilang barangay. Maaari rin nila itong magamit upang maglunsad ng mga proyekto at programang tutugon sa pangangailangan ng mga kabataan sa kanilang mga barangay.