Para mas mabilis at mas maagap na matugunan ang OSAEC at iba pang pang-aabuso sa mga kabataan, pormal nang inilunsad ng Social Services Development Department at City Prosecutor’s Office ang Quezon City Child Care Facility (QC-CCF).
Sa QC-CCF, mas pagtitibayin ang mga protocols at palalakasin ang pagtutulungan ng mga stakeholder para masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga bata. Ito ang magiging one-stop-shop ng lahat ng mga suporta na ibibigay ng pamahalaan para sa mga biktima, at magsisilbing safe space para sa kanila.
Sa kanyang mensahe, binanggit ni Mayor Joy Belmonte na gagawin ng lokal na pamahalaan ang lahat para matuldukan na ang tumataas na bilang ng pang-aabuso at pananamantala sa mga kabataan.
Pinagtibay naman ni City Prosecutor Vimar Barcellano ang patuloy na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at City Prosecutor’s Office para makamit ng mga biktima ang hustisya.
Nagbigay naman ng kani-kanilang message of support sina Hon. Lily Ann Padaen, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 13 (Family Court), PCol. Joel Abalos Villanueva, Deputy District Director for Administration ng QC Police Department, at si Ms. Joanna Camille Jacinto-Lizardo, Unit Head ng Public Affairs and Information Office ng Council for the Welfare of Children.
Ang paglulunsad ng programa ay bahagi ng “Multi-disciplinary Team Training on Child Case Management” workshop, na dinaluhan ng barangay officials at employees, pulis, at gender and development officers.










