PAHAYAG NG LOKAL NA PAMAHALAAN NG LUNGSOD QUEZON
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Pamahalaang Lungsod Quezon ang naiulat na pag-deliver at pag-iimbak ng litro-litrong diesel fuel sa loob ng isang residential area sa Barangay Sacred Heart.
Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, kabilang na ang Department of Energy, Bureau of Fire Protection, at Quezon City Police District, upang matukoy kung may nalabag na mga batas, patakaran, o regulasyon kaugnay ng insidenteng ito.
Samantala, iniutos na ng Bureau of Fire Protection ang agarang pag-alis ng imbak na diesel fuel upang maiwasan ang anumang panganib at masiguro ang kaligtasan ng mga QCitizens sa lugar.
Hindi papayagan o kukunsintihin ng Pamahalaang Lungsod ang anumang pagtatangka ng hoarding at iba pang mga gawaing naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng publiko.
Patuloy na magbabantay at kikilos ang lokal na pamahalaan laban sa anumang pansariling interes na maaaring manaig sa panahong ito, para matiyak na sama-sama nating malalampasan bilang isang nagkakaisang lungsod ang krisis na dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Hinihikayat namin ang lahat na iulat ang anumang kahina-hinala o iligal na gawain na maaaring makaapekto sa kaligtasan at seguridad ng ating mamamayan sa pamamagitan ng pagtawag sa QC Helpline 122.




