Nanindigan si Quezon City Mayor Joy Belmonte na may pananagutan ang Baltic Asia Crewing Incorporated dahil dinala pa sa Quezon City ang lalaking nagpositibo sa B1.1.7 (UK Variant) ng Covid-19, imbes na sa isang quarantine facility.

Ang lalaki ay nanunuluyan sa isang hotel sa Maynila habang naghihintay na makapag-abroad ulit bilang OFW. January 17 ito nagpa-swab test. January 18 ito nagpositibo sa sakit, pero nanatili pa rin sa hotel hanggang January 21.

January 21, nagbook sa isang ride-hailing app ang agency para ihatid ang lalaki sa isang apartment sa Riverside, Commonwealth.

Tinukoy ni Mayor Belmonte ang nilabag na batas ng agency: REPUBLIC ACT No. 11332 “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act”

Isa sa ipinagbabawal sa Section 9-d ng RA 11332 ang sumusunod: “Non-cooperation of persons and entities that should report and/or respond to notifiable diseases or health events of public concern.”

Sa virtual presscon kanina, tiniyak ni Mayor Belmonte na kakasuhan ng lokal na pamahalaan ang agency, at hihingiin din ang tulong ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa anumang pananagutan at parusa na maaaring ipataw sa agency at hotel.