Idineklara na ng lokal na pamahalaan ang Pertussis o Whooping Cough Outbreak sa Lungsod Quezon ngayong araw.
Binigyang-diin ni Mayor Joy Belmonte sa inorganisang press conference na hindi kailangang magpanic ng mga QCitizens dahil prayoridad ng lokal na pamahalaan na gawin ang lahat para maiwasan ang pagkalat nito.
Sa unang tatlong buwan ng taon, nasa 23 na ang Pertussis cases sa QC, apat na sanggol na rin ang nasawi sa sakit. Dalawa sa mga sanggol na ito ang hindi nabakunahan ng Pentavalent Vaccine, isa ay unang dose pa lang ang natanggap, at ang isa ay hindi pa maaaring mabakunahan.
Habang hinihintay ang pagdating ng suplay ng bakuna mula sa Department of Health, nangangalap na ang lokal na pamahalaan ng karagdagang bakuna upang mapanatiling ligtas ang mga sanggol sa QC.
Kasama ni Mayor Joy na humarap sa mga midya sina QC Health Department OIC Ramona Abarquez, City Epidemiology and Disease Surveillance Unit head Dr. Rolly Cruz, at Barangay Payatas P/B Rascal Doctor.




