Pormal nang inilunsad ang Philippine Business Hub — na dating kilala bilang Central Business Portal. Isa itong online platform kung saan maaaring magparehistro ng negosyo, mag-renew ng business permit, at iba pa sa pamamagitan ng iisang site na maaaring i-access sa https://business.gov.ph. Layon ng programa na mapadali at mapabilis ang proseso at maiwasan ang red tape sa gobyerno at pakikipagtransaksyon sa mga ‘fixer’.
Pinangunahan nina Mayor Joy Belmonte, Anti-Red Tape Authority (ARTA) Officer-in-Charge Ernesto V. Perez, Department of Information and Communications Technology Acting Secretary Emmanuel Rey R. Caintic, Department of Trade and Industry Ireneo V. Vizmonte, at ARTA Deputy Director General for Admin, Finance, and Special Programs Undersecretary Carlos F. Quita ang naturang pagtitipon.
Ayon kay Mayor Belmonte, suportado ng pamahalaang lungsod ang Philippine Business Hub lalo na’t isa sa mga nangungunang lungsod ang QC pagdating sa pagpapatupad ng mga makabago at epektibong pamamaraan upang mapadali at maisaayos ang pag-apply ng permit at pagpaparehistro ng negosyo.
Pinuri naman ng pamunuan ng ARTA, DICT, DTI, at SEC ang QC Government sa pagpapaunlad ng QC Biz Easy, kung saan 100% automated na ang pag-apply ng business permit.






























