Bumisita sa Public Affairs and Information Service Department (PAISD) ng Quezon City Government ang mga kawani ng Philippine Coconut Authority (PCA) para sa isang benchmarking activity.
Malugod na tinanggap ng Team PAISD, sa pangunguna ni Bert Apostol, ang mga panauhin na pinangunahan naman ni PCA Project Development Officer IV Maria Corazon Q. Florita.
Layon ng kanilang pagbisita na mas mapalalim ang kaalaman sa mga tungkulin ng departamento, proseso ng trabaho, at best practices ng PAISD sa epektibong information dissemination at public communication.
Ibinahagi ng bawat division ng PAISD ang kani-kanilang mga proyekto, workflow, at proseso sa pagbuo ng mga content at communication materials na ginagamit ng Pamahalaang Lungsod Quezon upang mas mapalawak ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko.
Ipinakita rin sa kanila ang state-of-the-art studio ng PAISD, kabilang ang proseso sa pagbuo ng bawat episode ng “Usapang QC,” ang award-winning online infotalk show ng Pamahalaang Lungsod Quezon.










