Ibinahagi ni Mayor Joy Belmonte ang mga inisyatibo ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng Media and Information Literacy (MIL) sa ginanap na Philippine MIL Conference (MILCON) 2025.
Quezon City ang isa sa 13 pilot MIL Cities ng UNESCO sa mundo. Bilang isa mga MIL Cities, pinapahalagahan sa lungsod ang tamang impormasyon, pagtataas ng antas ng edukasyon, at pagsusulong ng critical thinking sa mga residente.
Para matiyak ang de-kalidad na edukasyon, naglaan ang lokal na pamahalaan ng mahigit Php 6 billion o 15% ng kabuuang budget ng lungsod para sa sektor ng edukasyon. Pasok ito sa standard ng UNESCO.
Patuloy din ang paglaban ng lungsod sa misinformation sa tulong ng mga programa sa official social media pages na USAPANG QC at Special Report na tumatalakay sa mga napapanahong isyu sa QC.
Sa Disyembre, muling ilulunsad ng QC Government sa pangunguna ng Public Affairs and Information Services Department (PAISD) ang Maki Fiesta 2.0 na nagsusulong ng free expression, democracy, at creative economy.
Ang MILCON 2025 ay dinaluhan ng mga mag-aaral, communication experts, at MIL Advocates.
Kabilang sa mga nakiisa rito sina Finnish Ambassador to the Philippines Her Excellency Saija Nurminen, Sen. Bam Aquino, Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, MediaQuest Chairperson Manuel V. Pangilinan, UNESCO Jakarta Director Maki Katsuno-Hayashikawa, at UNESCO HQ Head of MIL Unit Adeline Hulin.








