Iginawad ng Department of Labor and Employment – National Capital Region (DOLE-NCR) ang Plaque of Recognition kay Mayor Joy Belmonte bilang pagkilala sa pagtataguyod niya sa karapatan ng mga kabataan at pagsasakatuparan ng mga programa upang wakasan ang isyu ng child labor.
Mismong sina DOLE-NCR Assistant Regional Director Atty. Jude Thomas P. Trayvilla at QC Field Office Director Martin Jequinto ang nagbigay ng plaque kay Mayor Joy. Kasama rin sa kinilala sina Public Employment Service Office Head Rogelio L. Reyes at Child Labor Focal Matthew R. Valdeavilla.
Kilala si Mayor Belmonte sa kanyang paninindigan kontra child labor, lalo na sa paglaban sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC). Pinangungunahan din niya ang Zero Child Labor Campaign.
Iniabot din kay Mayor Joy ang pagkilala sa suporta ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng full, decent, and productive employment para sa mga QCitizens, sa tulong ng mga programa ng Public Employment Service Office.