Muling nakipagkasundo ang Quezon City Government sa Provincial Government of Ilocos Norte upang mailunsad ang Producers to Consumers (P2C) Program sa lungsod, sa pangunguna ng Business Permits and Licensing Department at Market Development and Administration Department.
Sa pamamagitan ng P2C, mailalapit muli ang mga produkto ng Ilocos Norte sa Quezon City nang hindi na dadaan pa sa mga trader o middleman na nagpapatong ng karagdagang halaga sa mga produkto. Dahil dito, mas madadagdagan ang kita ng mga magsasaka habang direktang nakakapagbigay ng produkto sa mga QCitizen.
Mismong sina Mayor Joy Belmonte at Ilocos Norte Governor Matthew Joseph Manotoc ang lumagda at nag-renew ng memorandum of agreement na nauna nang isakatuparan noong 2017. Sinaksihan ito nina Vice Mayor Gian Sotto, Majority Floor Leader Councilor Dorothy Delarmente, at iba pang mga opisyal ng pamahalaang lungsod.
Simula Oktubre, magiging available na ang iba-ibang produktong Ilokano sa Quezon City Hall tuwing katapusan ng buwan.