Ang pulis ng QC, makakalikasan!
Pormal nang inilunsad ng Quezon City Police District ang “Project Green Camp Karingal” bilang pakikiisa sa one million trees initiative ng Quezon City Government.
Pinaunlakan ni Mayor Joy Belmonte ang programa, kung saan ipinakita ni QCPD Director PBGen Redrico Maranan ang iba-ibang inisyatibo ng awtoridad para protektahan ang kalikasan.
Sa Camp Karingal, mayroon nang urban gardens sa bawat unit ng QCPD, maayos na waste segregation system, rainwater harvesting system, at solar lights. Isinasagawa na rin nila ang Trash to Cashback program sa kampo, na sinimulan ng lokal na pamahalaan.
Nanumpa na rin ang 166 green cops o pulis makakalikasan na mangunguna sa kanilang hanay upang mapanatili ang malinis na kapaligiran at maprotektahan ang kalikasan.
Pinuri rin ni Mayor Joy ang QCPD na maituturing na kauna-unahang “Green Camp” sa Pilipinas na nagsusulong ng adbokasiya para sa kalikasan. Ayon pa sa alkalde, ito ang patunay ng malakas na ugnayan ng QCPD at pamahalaang lungsod para sa ikauunlad ng QC at kapakanan ng mga QCitizen.
Kasama rin ni Mayor Joy sa programa sina Climate Change and Environmental Sustainability Department (CCESD) Head Andrea Villaroman, Parks Development and Administration Department (PDAD) OIC Red Avelino, at District 4 Action Officer Al Flores.