PUBLIC SERVICE ANNOUNCEMENT
Mariing ipinapaalala ng Quezon City Government na ipinagbabawal sa batas ang hindi otorisadong pagtatanggal, paninira, o pagnanakaw ng mga kawad o wire ng cable internet service providers (cable internet accessories) alinsunod sa Republic Act No. 10515 o Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013.
Ang sinumang mahuhuli rito at mapapatunayang nagkasala ay maaaring patawan ng multang P50,000 hanggang P100,000, at pagkakakulong ng dalawa hanggang limang taon.
Ipinagbabawal rin ang hindi otorisadong pagtatanggal, pagtatago, paninira, o pagnanakaw ng mga kawad o linya ng kuryente, alinsunod naman sa Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994.
Ang sinumang mahuhuli rito at mapapatunayang nagkasala ay maaaring patawan ng multang
P50,000 hanggang P100,000, at pagkakakulong ng labindalawa hanggang dalawampung taon.
Maaari pang sampahan ng kasong paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code (Theft) ang sinumang mapapatunayang nagnakaw ng mga nabanggit na kable o wire.
Kung may insidente ng pagnanakaw ng kable o linya sa inyong lugar, maaaring tumawag sa QC Helpline 122, o mag-file ng report sa QC iReport sa https://qceservices.quezoncity.gov.ph/.
Maaari ring makipag-ugnayan sa inyong barangay o sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.









