Lumahok ang delegasyon ng Quezon City LGU sa pangunguna nina Coun. Alfredo Roxas, President, QC Liga ng mga Barangay, Climate Change and Environmental Sustainability Department (CCESD) Head Andrea Villaroman, Business Permits and Licensing Department (BPLD) Head Ma. Margarita Santos, Barangay Community Relations Department (BCRD) Head Ricky Corpuz at Department of the Interior and Local Government QC Field Office Dir. Manny Borromeo, sa isang walking tour sa Cheong Gye Cheon Stream sa pakikipagtulungan sa Environmental Policy Division ng Seoul Metropolitan Government.

Ibinahagi sa kanila ang makasaysayang restoration ng Cheong Gye Cheon na nagsimula noong Hulyo 1, 2003. Unimpisahan ito sa demolisyon ng 5.8 kilometrong Cheonggye overpass na tumatakbo sa gitna ng lungsod para mapanumbalik ang daloy ng batis.

Natapos ang pagsasaayos ng Cheong Gye Cheon stream noong Setyembre 2005. Mula noon muling dumaloy ang malinis at asul na tubig sa sentro ng Seoul.

Ayon kay CCESD Head Andrea Villaroman, maaaring makakuha ng inspirasyon ang mga barangay official sa Cheong Gye Cheon lalo na sa pagde-develop ng mga ilog at creek sa kani-kanilang komunidad para maging ecological park o pathway na tiyak na magiging kapaki-pakinabang sa mga residente.