Ibinahagi ng lokal na pamahalaan ang kasalukuyang sitwasyon ng Quezon City matapos ang pananalasa ng Tropical Storm “Crising” at ng Southwest Monsoon o Habagat.
Mahigit 10,500 pamilya ang naapektuhan ng pagbaha sa 63 barangay sa lungsod. Umabot naman sa 125 million pesos ang pinsalang idinulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga public infrastructure.
Binigyang-diin ni Mayor Joy Belmonte na nakaalalay ang Quezon City Government sa evacuees. May sapat na social worker, doktor, at security personnel na nakatalaga sa bawat evacuation center sa lungsod.
Aabot na rin sa 172 flood mitigation projects ang nakumpleto ng lungsod, na bahagi ng Drainage Master Plan. Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng lungsod sa MMDA at DPWH para sa mas komprehensibong aksyon laban sa baha.
Bukod dito, wala ring patid ang de-clogging at clearing operations sa waterways ng lungsod.
Magbibigay ang lokal na pamahalaan ng financial assistance sa mga pamilya, para makatulong sa kanilang pagbangon mula sa kalamidad.
Noong Martes, isinailalim ang lungsod sa State of Calamity para magkaroon ng access sa Quick Response Fund na magagamit maging ng barangay sa response, recovery, at rehabilitation initiatives sa QC.




