Upang mas maihanda at maipakita sa mga negosyante at QCitizen entrepreneurs ang hinaharap ng mga negosyo sa lungsod, pormal nang binuksan ng Quezon City Government ang kauna-unahang QC Future of Work Conference sa Crowne Plaza sa Ortigas.
Iba-ibang plenary session ang ikinasa ng lokal na pamahalaan para sa business owners, corporate executives, entrepreneurs, at mga kinatawan ng national agency at organisasyon kung paano sila makakasabay sa malabagong teknolohiya at pag-unlad ng business ecosystem sa bansa partikular sa QC.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Joy Belmonte ang kahalagahan ng kahandaan ng mga negosyo sa mga susunod na taon, upang makasabay sa trends, new work set-up at bagong teknolohiya.
Nagsilbing keynote speaker naman sa programa si Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Ivan John Uy.
Dumalo rin sa conference sina Vice Mayor Gian Sotto, Israeli Ambassador to the Philippines His Excellency Ilan Fluss, Embassy of Japan First Secretary Chihiro Kanno, Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Lord Villanueva, at SM Supermalls Senior Vice President Bien Mateo.
Layon din ng QC Future of Work Conference na mabigyan ng kaalaman ang mga negosyo at business owners kung paano makakasabay sa nagbabago at umuunlad na business community para mas maisulong ang isang ligtas, inklusibo, resilient, at sustainable workplace para sa lahat.