PAHAYAG NG PAMAHALAANG LUNGSOD QUEZON
Mariing kinokondena ng Pamahalaang Lungsod Quezon ang naganap na karahasan laban sa ating mga kawani ng lungsod, lalo na sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD), kahapon, April 9, 2026 sa NIA Road, Barangay Pinyahan.
Habang isinasagawa ang clearing operations, mahigit dalawampung (20) QCPD personnel ang nasugatan matapos pagbabatuhin ng bote, bato at iba pang matitigas na bagay. Sa kabila nito, nagpapasalamat ang lungsod sa ipinakitang maximum tolerance at professionalism ng ating mga pulis at tauhan sa gitna ng tensyon.
Walang puwang ang karahasan at kawalan ng kaayusan sa ating lungsod. Ang ganitong insidente ay hindi lamang naglalagay ng panganib sa buhay ng ating mamamayan, kundi nakahahadlang din sa maayos na pagpapatupad ng proyektong pabahay para sa mga apektadong residente.
Batay sa paunang imbestigasyon, pinangungunahan ang kaguluhan ng ilang indibidwal na may pansariling interes—kabilang ang mga iligal na nagpapaupa at kumikita mula sa pampublikong lupa sa NIA Road, pati na rin ang ilang benepisyaryo ng pabahay na dati nang na-relocate at hindi na kwalipikado sa programa, ngunit patuloy na nakikinabang sa mga naninirahan sa lugar. Hindi natin maaaring hayaang manaig ang interes ng iilan laban sa kapakanan ng nakararami. Sa maayos na pag-uusap, nagpahayag na ng suporta ang nakararaming residente sa proyektong pabahay.
Makakaasa ang lahat na ang mga lehitimong residente ng apektadong komunidad sa NIA Road ang magiging pangunahing benepisyaryo ng proyektong pabahay. Sa kasalukuyan, mahigit 1,600 sa kabuuang 2,332 apektadong pamilya ang nabigyan na ng certification mula sa lungsod na sila ay pagkakalooban ng housing units sa itatayong vertical housing development.
Inaasahang makukumpleto ang proyekto sa loob ng 18 buwan at target itong ma-turn over at maipamahagi sa mga residente sa December 2027.
Mahigit 200 pamilya na rin ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang lumipat sa in-city housing na inaalok ng lokal na pamahalaan at National Housing Authority (NHA).
Mahigit 200 naman ang pumili ng off-city relocation. Ang kanilang paglipat ay patuloy na inaasikaso at pinapadali ng pamahalaang lungsod.
Samantala, ang Pamahalaang Lungsod Quezon, katuwang ang NHA at Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay nagkaloob na ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng ₱60,000 para sa mga may-ari ng bahay at ₱35,000 naman para sa mga nangungupahan at sharers. Sa kabuuan, lampas ₱100 milyon na ang halagang naipamahagi bilang integrated financial assistance at rental subsidy.
Magbibigay din ang Quezon City Government at national government, sa pamamagitan ng DSWD, ng karagdagang rental subsidy para sa mga pamilyang kabilang sa programang pabahay.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang lungsod sa komunidad hinggil sa posibleng pagpapalawig ng paggamit ng evacuation centers upang masuportahan ang mga pamilya, habang sila ay naghahanap pa ng angkop na matitirhan. Kaugnay nito, ipinapamahagi ng QC Housing, Community Development and Resettlement Department ang template ng lease contracts na maaaring gamitin ng mga pamilya sa kanilang pansamantalang uupahan. Ito rin ay isang mahalagang requirement ng DSWD upang makakuha ng karagdagang rental subsidy.
Naninindigan ang Pamahalaang Lungsod Quezon sa layunin nito na mabigyan ng ligtas, disente, at abot-kayang pabahay ang bawat pamilya sa lungsod. Hindi natin pahihintulutan na hadlangan ng karahasan at pansariling interes ang proyektong magbibigay ng katiyakan sa paninirahan sa libu-libong residente.
Layunin natin na maayos, mabilis at maagang matapos ang proyektong pabahay para makabalik din agad ang mga pamilya sa isang komunidad na ligtas, handa laban sa anumang sakuna at tunay na magtataguyod ng kaunlaran para sa lahat.





