PAHAYAG NG PAMAHALAANG LUNGSOD QUEZON
Kaugnay ng isang ulat tungkol sa panlilinlang o modus na target ang mga senior citizen, mariing pinapaalalahanan ng Pamahalaang Lungsod Quezon ang ating mga nakatatanda na mag-ingat at maging mapanuri.
Hinihikayat ang ating mga senior citizen na huwag basta-basta magbubukas ng pinto o magpapapasok ng mga hindi kilalang tao sa kanilang tahanan. Mahalaga ang kaligtasan, kaya’t makabubuting tiyakin muna ang pagkakakilanlan ng sinumang kumakatok o umiikot sa inyong komunidad.
Nililinaw rin ng lokal na pamahalaan na HINDI ito namamahagi ng birthday cake. Sa halip, ang ibinibigay ng lungsod ay BIRTHDAY PACKAGES na naglalaman ng mga pangunahing grocery items tulad ng gatas, pasta at sauce bundle, biscuit, at iba pang produktong makatutulong sa kalusugan ng ating mga lolo at lola.
Ang mga birthday package na ito ay ipinapamahagi buwan-buwan sa pamamagitan ng ating mga barangay, batay sa opisyal na listahan ng QCitizens na may senior citizen ID. Nagtatalaga ang bawat barangay ng schedule kung kailan maaaring makuha ng mga benepisyaryo o ng kanilang kinatawan ang nasabing package.
Para naman sa mga bed-ridden o may limitadong kakayahang lumabas ng tahanan, ang mga birthday package ay direktang inihahatid sa kanilang bahay.
Para sa karagdagang impormasyon, hinihikayat ang publiko na bisitahin at sundan ang opisyal na communication channels ng Pamahalaang Lungsod Quezon at ng kani-kanilang barangay, tulad ng Facebook pages at website. Kung may katanungan sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan, maaari ring tumawag sa QC Helpline 122.
Sa ating mga minamahal na QCitizen na lolo at lola, patuloy po kayong mag-ingat. May mga indibidwal na maaaring manamantala sa inyong kalagayan. Sa mga kaanak, hinihiling namin ang inyong pakikiisa sa patuloy na pagpapaalala sa ating mga nakatatanda tungkol sa kanilang kaligtasan.





