Isinumite ngayong araw ng Quezon City Government ang Draft ng Quezon City Local Public Transport Route Plan, o QC-LPTRP, sa tanggapan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board-National Capital Region (LTFRB-NCR). Ito ay alinsunod sa mga direktiba ng Department of Transportation.
Layunin ng QC-LPTRP ang malawakang pagsasaayos ng mga ruta ng pampublikong transportasyon na bumabaybay sa Lungsod Quezon.
Ayon sa pananaliksik bilang bahagi ng QC-LPTRP, may mga ruta na nadiskubreng hindi na tinatakbuhan ng mga Public Utility Vehicles (PUV), o di kaya’y hindi na sapat ang bilang ng mga PUV na bumabiyahe sa mga ito.
May mga ruta din na putol na ang biyahe sapagkat hindi na natutuluyan ang ilang bahagi ng orihinal na mga ruta. Marami ring lugar sa QC na hanggang ngayon ay hindi pa rin naseserbisyuhan ng pampublikong transportasyon, tulad ng PUJ, UV Express, at mga pampublikong bus.
Ang QC-LPTRP ay nagmumungkahi ng rationalization ng mga ruta upang maging mas-updated ang mga ito, at mas tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mananakay. May mga developmental routes din na irinerekomenda para sa mga lugar na hindi inaabot ng public transportation, upang lumawak ang coverage nito sa Quezon City.
Namuno sa opisyal na pagtanggap sa QC-LPTRP sina LTFRB-NCR Regional Director Atty. Zona Russet Tamayo at Atty. Jocy Tataro. Kumatawan naman sa QC Government sina Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo, at Head ng Traffic and Transport Management Department Dexter Cardenas.










