Bilang bahagi ng patuloy na programa ng Quezon City Government para masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral at masuri ang kondisyon at katatagan ng kanilang mga gusali, isinasagawa ang Rapid Visual Screening (RVS) sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Ito ay sa pakikipag tulungan sa Philippine Institute of Civil Engineers – Quezon City Chapter (PICE-QC).
Mula sa higit na 500 school buildings na na-inspeksyon sa 66 na paaralan, 72 gusali ang natukoy na nangangailangan ng mas masusing pagsusuri dahil sa ilang observations na nakita.
Kabilang dito ang mga gusaling itinayo bago ang 1992 amendment ng National Structural Code the Philippines (NSCP)—panahong hindi pa lubos na naisasama ang mga standards para sa earthquake-resistant design.
Ilan din sa mga gusaling ito ay may tinatawag na vertical o plan irregularity, na nangangahulugang kailangan ng karagdagang pag-aaral ng kanilang structural design.
Ang mga gusaling ito ay sasailalim sa Level 2 Screening, kung saan magsasagawa ng mas detalyadong pagsusuri ang mga structural engineers upang matiyak ang kanilang structural integrity.
Tinitiyak ng Quezon City Government na ang mga hakbang na ito ay bahagi ng proaktibong paghahanda ng lungsod upang mapanatiling ligtas at handa ang mga paaralan at mga mag-aaral sa harap ng anumang posibleng sakuna.










