Pormal nang inilunsad ang Resilient Urban Future (RUF) Programme and Scoping Validation Workshop sa Quezon City, sa tulong ng Ministry of Foreign Affairs of Denmark katuwang ang C40 Cities.
Ang RUF ay nakatuon sa pagpapalakas ng katatagan o resilience ng mga lungsod sa Africa at Southeast Asia sa pagharap sa mga mapanganib na epekto ng pagbaha, tagtuyot, at matinding init, habang sinisiguro na inklusibo at eco-friendly ang mga programa.
Pinagtibay nina Mayor Joy Belmonte at Danish Ambassador to the Philippines His Excellency Franz-Michael Mellbin, kasama si C40 Cities Head of Implementation in East, Southeast Asia and Oceania Huey Yee Yoong ang pagtutulungan, sa pamamagitan ng paglagda sa commitment board.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Mayor Joy ang Danish Government at C40 Cities sa kanilang suporta sa lokal na pamahalaan. Makakatulong ang programa sa pagpapa-unlad pa ng mga inisyatibo ng lungsod na nakatuon sa climate adaptation at mitigation, tulad ng implementasyon ng QC Drainage Masterplan at Green Building Code.
Sa tulong ng RUF, magkakaroon din ng sapat na datos at kasanayan ang mga technical staff ng lokal na pamahalaan sa pagbuo ng mga programa at mas mapapalakas pa ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa mga mamamayan at community organizations.










