Nagbabala si Quezon City Mayor Joy Belmonte na may karampatang parusa ang hindi otorisadong paggamit ng tablet na pinahiram ng lungsod sa lahat ng Grade 7-Grade 12 public school students.
Bago maghatinggabi ng Pebrero 14, natyempuhan ng Task Force Disiplina ang isang grupo ng kalalakihan na nag-iinuman sa kalye. Pagkakita sa mga tauhan ng TFD, nagtakbuhan ang ibang nagiinuman at naiwan naman ang isang tablet sa lamesa.
Ang tablet ay dapat na ginagamit ng estudyante sa pag-aaral, pero nakitang nakabukas ito sa online sabong.
“Sa gitna ng pandemya, ginawan natin ng paraan sa tulong ng Quezon City Council na magkaroon ng kanya-kanyang tablet ang mga estudyante para sa blended learning. Tumaya po tayo sa edukasyon ng mga bata, at hindi po ito dapat gamitin sa sugal o anumang iligal na gawain,” sabi ni Mayor Belmonte.
Base sa QC Council Ordinance no. 2954 S-2020, may parusa ang sinumang may hawak o bumili ng tablet maliban sa estudyanteng dapat gumagamit nito. May pananagutan rin ang mahuhuling nagdownload ng games or pelikula sa tablet, at kabilang sa papatawan ng parusa ang magulang ng bata. Ipinagbabawal rin ng ordinance ang pagbebenta o pagsasanla ng tablet. Kabilang sa parusa ang multa na aabot sa P5,000.