Nakiisa ang Pamahalaang Lungsod sa pagdiriwang ng Safer Internet Day na inorganisa ng Department of Justice at Plan International Pilipinas na may temang, “OSAEC at CSAEM, ating sugpuin, implementasyon ng RA 11930 sama-samang patatagin!”
Pinangunahan nina Ms. Ana Maria Locsin, Executive Director ng Plan International Pilipinas, at Atty. Kit Magsaysay, Executive Director ng DOJ NCC-OSAEC-CSAEM ang pagdiriwang kasama ang mga katuwang sa gobyerno, tech sector, civil society organizations, at mga youth organizations na nangangakong magtutulungan tungo sa mas ligtas na internet para sa lahat.
Tinalakay din ang papel ng Artificial Intelligence (AI) sa usapin ng seguridad sa internet, lalo na ang mga panganib na kaakibat ng maling paggamit nito. Binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga mekanismo at patakaran upang tiyakin na ang AI ay ginagamit sa tamang paraan at hindi sa pang-aabuso, lalo na sa mga kabataan.
Dumalo ang mga kinatawan ng Public Employment Service Office, Social Services Development Department, Barangay and Community Relations Department, at Quezon City Police Department. Kinikilala ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang labanan ang maling paggamit ng AI, Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) at Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM).




