“Kailangan nating gawing normal ang malasakit at paglilingkod. Kailangan nating isabuhay ang mas makabuluhang pamumuhay, sa pamamagitan ng pakikibahagi.”
Binigyang-diin ni Mayor Joy Belmonte ang papel ng bolunterismo at bayanihan sa pag-unlad ng bayan, sa ginanap na Search for Outstanding Volunteers Awarding Ceremony ng Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA).
Sa kanyang keynote message, ibinahagi ng alkalde kung paano isinusulong ang volunteerism at aktibong pakikiisa ng mga mamamayan sa pamamahala ng Quezon City.
Pinalakas ng pamahalaang lungsod ang People’s Council of Quezon City, at itinatag ang Bayanihang QC.
Sa Bayanihang QC platform sa QC E-Services, makikita ang iba-ibang volunteerism opportunities na nakatuon sa edukasyon, kalusugan, kalikasan, at pakikiisa sa mga programa at aktibidad ng lungsod.
Mas pinapalawig din ng lungsod ang mga training at workshop sa mga QCitizen para maging trained responder na maaaring tumugon sa anumang emergency.
Kasama ni Mayor Joy dumalo sa awarding ceremony ng outstanding volunteers sina Usec. Carlos Bernardo O. Abad Santos ng DEPDev Regional Development Group; PNVSCA Executive Director Donald James D. Gawe; at Ayala Foundation, Inc. President Mr. Antonio G. Lambino II.








