Patuloy na isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon ang paggamit ng renewable at sustainable energy sa pamamagitan ng paglalagay ng solar panels sa mga pampublikong paaralan.
Sa kasalukuyan, anim (6) na city-owned schools na ang solar-powered, na may pinagsamang kapasidad na 600 kilowatt-peak (kWp).
Inaasahang aabot sa ₱5.2 milyon ang matitipid nito sa kuryente kada taon.
Kabilang dito ang Novaliches High School, San Agustin Elementary School, Manuel A. Roxas High School, Camp General Emilio Aguinaldo High School, Quirino High School, at Carlos P. Garcia High School.
Samantala, patuloy ang installation ng solar panels sa labing siyam (19) pang eskwelahan sa lungsod bilang bahagi ng mas pinalakas na adbokasiya ng pamahalaang lungsod na labanan ang climate change at mapangalagaan ang kalikasan.










