Nakamit ng Quezon City ang Special Mention Award sa ilalim ng kategoryang “Sustainable Diets & Nutrition” sa ginanap na Milan Pact Awards sa Milan Urban Food Policy Pact (MUFPP) Global Forum 2025 sa Italy.
Ito ay bilang pagkilala sa “Healthy Public Food Procurement (HPFP)” Policy ng lungsod na layong ipagbawal ang paggamit ng pondo ng Pamahalaang Lungsod sa pagbili at paghahain ng hindi masustansyang pagkain.
Tinitiyak din nito na ang pagkaing inihahain sa mga city-led event, shelter, at city hospital ay naaayon sa QC Nutrition Standards.
Tinanggap ni District 2 Councilor at Majority Floor Leader Aly Medalla ang parangal sa ngalan ni Mayor Joy Belmonte.
Ang taunang Milan Pact Awards ay kumikilala sa iba-ibang lungsod sa buong mundo na may natatangi at mahusay na adhikain sa sektor ng pagkain.




