PAHAYAG NG LOKAL NA PAMAHALAAN NG LUNGSOD QUEZON
Nais magbigay-linaw ng lokal na pamahalaan sa maling impormasyong ikinakalat ng ilang panig na taliwas sa katotohaanan at baluktot ang pangangatwiran.
Hindi biglaan ang pagsasara ng dalawang gusali, na higit na kilala bilang Rotary Center, sa Roces Avenue, Quezon City na ipinatayo ng pamahalaan sa lupaing pag-aari ng lungsod. Taong 1995 nang lagdaan ang lease contract sa pagitan ng lokal na pamahalaan at Rotary International District 3780 (“Rotary District 3780”), at ang pag-okupa ng lupain ay may taunang renta lamang na P1.00. Ang kasunduang ito ay napaso noong July 30, 2020 pagkatapos ng 25 na taon.
Pagkatapos mapaso ang kontrata, naging bukas at patuloy ang dayalogo ng lokal na pamahalaan sa Rotary District 3780, sa pangunguna ni District Governor Veronica Yu, hinggil sa tamang paggamit ng center.
Pero lingid sa kaalaman ng lokal na pamahalaan, ang Rotary Center ay inookupa at pinagkakitaan na ng Rotary Center Foundation Incorporated (RCFI); hindi ang Rotary District 3780 ang nangangasiwa dito.
Matapos pag-aralan ang mga legal na hakbang, nagpadala ng notice ang lokal na pamahalaan sa mga negosyo at opisinang nag-ookupa sa gusali gaya ng restaurant at manning agency. Nang maihain ang unang notice, napag-alaman ng lokal na pamahalaan na ang mga negosyo at opisina sa Rotary Center ay umuupa sa RCFI. Ayon sa mga report, ang bawat institusyon o Rotary Club na gagamit sa center ay pinagbabayad din ng foundation. Sa kabila nito, ang nais ng foundation ay magbayad lamang ng P1 kada taon sa lokal na pamahalaan, na kanilang pinipilit sa lahat ng matagal na pag-uusap tungkol sa renewal.
Walang kasunduan ang lokal na pamahalaan sa naturang foundation, at walang pahintulot ng lokal na pamahalaan ang paniningil nila ng upa. Wala itong kaukulang mga permit, at walang idineklarang kita, taliwas sa tamang proseso ng pagnenegosyo sa lungsod. Hanggang ngayon, hindi pa nila ganap na isinusuko ang mga gusali sa lokal na pamahalaan.
Ito ang malinaw na katotohanan: Ang RCFI ay hindi rin kinikilala ng Rotary International at hindi rin kumakatawan sa alinman sa 108 Rotary Clubs sa Quezon City, ayon mismo sa opisyal na pahayag ng Rotary District 3780. Basahin dito:
Higit sa lahat, ang tanging hangarin ng lokal na pamahalaan sa mga gusali ay gawin itong community center, at ipagamit ng LIBRE sa mga accredited socio-civic at professional organizations na nagsisilbi sa mga QCitizens gaya ng Rotary Clubs. Ang hakbang na ito ay suportado mismo ng Rotary District 3780.
Una nang nilinaw ng Quezon City Council na ang inilabas nitong resolusyon ay pagbibigay-pahintulot lamang kay Mayor Joy Belmonte na pumasok muli sa kasunduan sa paggamit ng center, pero nasa kanya pa rin ang huling pagpapasya sa nararapat na gawin sa gusali. Narito ang buong pahayag ng konseho: https://www.facebook.com/share/p/1Cf7zktprV/





