Kabilang sa mga hakbang ng Quezon City Government upang makabawas sa pagbaha, alinsunod sa ating Drainage Master Plan, ay ang pagtatayo ng stormwater detention basins at ang paglalagay ng flap gates sa mga outfall o labasan ng tubig, sa mga flood-prone areas ng lungsod.
Natapos na natin ang detention basin sa covered courts ng Barangay Sta. Monica at Barangay Tandang Sora, at ongoing rin ang mga detention basin sa ilalim ng G. Araneta Avenue.
Ang mga detention basins ay tumutulong upang mabawasan ang pagbaha sa mga lansangan, dahil ang tubig-ulan ay naiipon muna sa ilalim mismo ng mga court o kalsada. Sa halip na agad itong umapaw sa ibabaw, pansamantala itong iniimbak at kusang nauubos kasabay ng paghina ng ulan.
Samantala, ang mga outfall naman ay nilagyan natin ng flap gates. Layon nitong maiwasan ang pagbaha dulot ng backflow, kung saan ang pagtaas ng tubig sa mga ilog o creek ay nagtutulak pabalik ng tubig papasok sa drainage system, na nagdudulot naman ng pagbaha sa mga mas mababang lugar. Sa pamamagitan ng flap gates, ang mismong tubig o hydraulic pressure ang nagtutulak upang magsara ang bukana kapag mataas ang tubig sa ilog, at automatic rin itong bumubukas upang makapag-discharge ang drainage system.
Patuloy na ipinapatupad at pinalalawak ng Quezon City Government ang mga ganitong hakbang sa iba-ibang bahagi ng lungsod, na layong mabawasan ang pagbaha at maprotektahan ang mga komunidad lalo na tuwing may malalakas na pag-ulan.
Brgy. Sta. Monica detention basin: https://www.facebook.com/QCGov/posts/pfbid02cgFiuBCkiiGnH61pWAECH4ng3Hwms1TvLQ1WpQ435z1Cu358si9NRQwyFboYPUN4l
Brgy. Tandang Sora detention basin: https://www.facebook.com/QCGov/posts/pfbid0LMBk86gTAoVMBuPDuMRdH2zdEqngUftivoSd6BNWj4GTNia1xgBYgnc9C1PhN8nWl
Araneta Ave. detention basins: https://www.facebook.com/QCGov/posts/pfbid02KcNfACHXyfMFBFKVxu4mWAG3yscP6ZsNXrGmbBCC2u7WRW9DzmjXQ68yeaDS77F6l










