Namangha ang mga batang mag-aaral ng The Growing Place Learning Center, Inc. sa kanilang pagbisita sa ‘Wave of Change’ art installation sa Quezon City Hall.
Gawa ang art exhibit sa libo-libong plastic straws at iba pang single-use plastics na ipinagbabawal sa mga dine-in customers sa mga resto at fastfood chains sa lungsod.
Sinisimbolo nito ang adhikain ng QC na maging plastic-free city.
Ayon kay Tesa Maguad, School Admin ng paaralan, napukaw ang imahinasyon ng kanilang mga estudyante at sa murang edad mas lumawak ang kanilang kaalaman ukol sa pangangalaga sa kalikasan.
Nangako rin ang mga bata na magiging instrumento sila ng pagbabago sa ating kapaligiran sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit ng plastic sa kanilang mga tahanan.
Bukod sa Wave of Change art exhibit, binisita rin ng mga mag-aaral ang Quezon Memorial Circle, Presidential Car Museum, QC Public Library, at QC Fire Station.
Makikita ang Wave of Change sa QC Hall High Rise Building lobby hanggang April 30.




