MAHALAGANG ABISO SA MGA MOTORISTA
Pansamantalang isasara ang ilang bahagi ng Southbound lane ng EDSA-Kamuning Flyover simula May 1, 2024 (Miyerkules) at tatagal ng anim (6) na buwan para sa gagawing repair o retrofitting.
Pangungunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) and retrofitting na nagsimula noong April 25, 2024 (Huwebes). Isasailalim sa rehabilitasyon ang istraktura ng nasabing flyover upang pahabain pa ang bisa nito, at bilang paghahanda sa anumang kalamidad gaya ng malalakas na lindol.
Inaasahang magdudulot ng masikip na daloy ng trapiko ang re-decking works na aabot ng isa’t kalahating lane kaya pinapayuhan ang mga motorista na iwasan ang nasabing lugar at gamitin ang Mabuhay Lanes para makarating sa kanilang destinasyon. Ang mananatiling bukas na lane ay para lamang sa EDSA Bus Carousel.
Magsasagawa ng clearing operations ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) katuwang ang Department of Transportation (DOTr), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), Quezon City Government, at nakakasakop na barangay para matiyak na maluwag ang mga alternatibong ruta.
Magtatalaga ang QC Government at MMDA ng mga traffic enforcer at maglalagay ng traffic directional signages upang magabayan at umalalay sa mga dumaraang motorista.
Maraming salamat po sa inyong pag-unawa at mag-ingat po tayo lagi tuwing tayo ay nasa daan.