Agad ipinatawag ng Traffic and Transport Management Department (TTMD) ang isang nag-viral na tricycle driver.
Ang insidente ay naganap noong Enero 17, 2026 bandang alas-10:00 ng gabi sa North Avenue, tapat ng SM North EDSA.
Makikita sa video na nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng tricycle driver at sa isa pang motorista na nagmamaneho ng sedan.
Ayon sa ulat, nag-counterflow umano ang tricycle driver sa bahagi ng North Avenue patungong EDSA kung saan pansamantala itong isinara bunsod ng ginagawang MRT station, dahilan upang magkaroon ng designated counterflow lane sa kabilang linya ng kalsada.
Inimbitahan ng TTMD at Tricycle Regulatory Division si Jerald F. Sese, ang driver, ang kanyang ama at operator na si Jose Sese, pati na rin ang presidente at opisyal ng Pag-asa TODA upang magsagawa ng dayalogo.
Sa isinagawang pagdinig, isinalaysay ng tricycle driver ang nangyari, at bilang resulta, naisyuhan siya ng mga paglabag tulad ng pagmamaneho ng tricycle sa national road (Tricycle Ban), paglabag sa mga kondisyon ng Certificate of Public Convenience (CPC) / Motorized Tricycle Operator’s Permit (MTOP), at pagmamaneho ng walang valid driver’s license / expired, delinquent, o invalid driver’s license (OVR).
Dumating din sa pulong ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) upang ihain ang Show Cause Order (SCO) sa mag-ama.
Kasalukuyan namang naka-impound ang tricycle.
Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa lahat ng motorista na pairalin ang disiplina, paggalang, at mahinahong asal sa kalsada.








