Walang magiging city-wide na suspensyon ng klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Quezon City sa darating na Lunes, October 16, 2023. Ito ay sa kabila ng napipintong tigil-pasada ng ilang transport group. Ayon ito sa rekomendasyon ng mga kaukulang ahensya ng Quezon City Government, ng DepEd QC Schools Division Office, at ng Quezon City Police District.
Gayunman, ipinauubaya sa bawat pribadong paaralan o kolehiyo, na magdesisyon sa class suspension kung kinakailangan.
Magpapakalat ng karagdagang libreng sakay ang QCity Bus sa mga rutang posibleng maapektuhan ng tigil-pasada.
May karagdagang libreng sakay rin ang mga barangay, QCPD, DPOS at iba pang ahensya, kung ito ay kakailanganin.
Magtatalaga ng mga tauhan ng QCPD, DPOS, TTMD at Task Force Disiplina para matiyak ang kaayusan sa lansangan at mapangalagaan ang kapakanan ng mga commuter, motorista, at maging ng mga lalahok at hindi lalahok sa tigil-pasada.
Handa namang umalalay ang lokal na pamahalaan sa mga gurong maaaring mahihirapang makapasok dahil sa tigil-pasada.
Kinikilala natin ang karapatan ng mga transport group na ipahayag ang kanilang hinaing, nguni’t kasabay din nito ang ating pagtiyak na hindi ito magdudulot ng anumang pagka-abala sa ating QCitizens at sa mga serbisyo ng ating pamahalaan.