Muling nagsagawa ng inspeksyon ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni City Engineer Atty Dale Perral at District 5 Action Officer William Bawag sa bahagi ng Tullahan River. Ito’y upang masusing pag-aralan ang planong konstruksyon at masimulan na ang geotechnical o soil testing ng bagong tulay na papalit sa nasirang hanging bridge dulot ng matinding pagbaha kamakailan.
Ang bagong tulay ay muling magsisilbing koneksyon sa pagitan ng Barangay Sta. Lucia at Barangay North Fairview. Sa pagkakataong ito, napili ang isang mas angkop at ligtas na lokasyon para pagtayuan ng mas matibay at mas maayos na tulay na malapit din sa mga pangunahing daan. Layon nitong gawing mas maginhawa at mas ligtas ang pagtawid ng mga estudyante at residente sa dalawang barangay.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Mayor Joy Belmonte na tiyakin ang mabilis at epektibong pagtugon ng lungsod sa mga pangangailangan ng mamamayan, lalo na sa panahon ng sakuna at kalamidad.




